Nag-alok ng libreng serbisyo ang Meridian Shipping and Container Carrier Inc. sa DSWD MIMAROPA Region upang dalhin ang 1,600 Family Food Packs o FFPs sa Port of Puerto Princesa City para sa mga pamilyang nasalanta ng #BagyongOdettePH sa probinsya ng Palawan.
Hapon ng Disyembre 27, 2021 nang maikarga sa mga container vans ng kompanya ang mga FFPs mula sa National Resource and Logistics Management Bureau o NRLMB. Ang 1,600 FFPs na ito ay bahagi ng 90,000 FFPs na nirequest ng DSWD MIMAROPA Region sa NRLMB para sa Palawan Relief Operations.
Nakatakdang umalis ng Manila Harbour Center sa Maynila ang barkong magdadala sa mga food packs sa December 30. 2021 at inaasahang darating ng Port of Puerto Princesa sa January 01, 2022. Malaking bagay ang tulong na ibinigay ng Meridian Shipping and Container Carrier Inc. upang mapabilis ang paghahatid ng tulong sa mga nasalanta.